Pinagbabayad ng Sandiganbayan Second Division si dating Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Eric Loretizo ng P4.27 milyon dahil sa ‘di makuwentang milyones na cash advances sa government sports agency.

“The Court hereby renders judgment finding accuse Eric T. Loretizo guilty beyond reasonable doubt of 38 counts of the crime of Failure of Accountable Officer to Renderaccount under Article 218 of the Revise Penal Code,” anang desisyong binaba nitong Biyernes, Agosto 2.

Sa bawat account, sentensiyado si Loretizo ng P2,000 bawat isa kaya umabot sa P76,000. Karagdagan pa sa kabayaran niyang civil liabilty na P4.2 milyon.

Ugat ang kaso sa reklamo ng PSC sa Office of the Ombudsman nitong 2017, siniwalat ang unliquidated expenses niyang P2.8 milyon.

Alegasyon ito sa kanyang mga paglalakbay nitong 2006-2011 sa labas at loob ng bansa para dumalo sa iba’t ibang mga kompetisyon.

Pero giniit ng Ombudsman na nagkasala si Loretizo dahil ‘di nagkusang-loob, nilabag ang batas at ‘di makatuwiran na ‘di ayusin ang kinuhang limpak na salapi base sa regulasyon ng Commission of Audit.

Kinasuhan si Loretizo ng pitong kabiguan ayusin ang kanyang accounts, 31 bilang ng paglustay sa pondo ng publiko.

Pumayag siya sa guilty plea sa prosecution, kapalit sa pagbaba sa kasong paglustay para mapababa ang kaparusahan dahil sa kabiguang kuwentahin ang kinuha sa kaban ng bayang pera.

Inakda ang tatlong pahinang desisyon ni Division Chairman Oscar Herrera, Jr. at pinagtibay nina Associate Justices Michael Frederick Musngi at Loreifel Pahimna.

Sinubukan ng Abante TONITE na makuha ang panig ni Loretizo, pero ‘di siya sumasagot sa texts at calls sa kanyang celfone. (Yves Briones)