Sandra Cam ‘di dapat ipuwesto sa gobyerno

Sa kulungan nararapat ipasok ang dating jueteng whistleblower na si Sandra Cam at hindi sa puwesto sa gobyerno, ayon kay Sen. Leila de Lima.

Iginiit ito ni De Lima matapos ang insidente sa Ninoy Aquino International Airport noong Pebrero kung saan minura at pinagalitan ni Cam ang mga empleyado ng NAIA matapos na kuwestiyunin ang pagtambay nito sa VIP Lounge na laan para sa government officials.

Sa nasabing insidente ay ipinagmalaki ni Cam na itatalaga siya ni Pa­ngulong Duterte sa puwesto sa gobyerno sa loob ng tatlong buwan kung kaya’t nararapat lang ang pa­nanatili niya sa VIP Lounge.

Ayon kay De Lima, hindi karapat-dapat na mabigyan ng puwesto si Cam dahil sa mga kinasasangkutan nitong ilegal na aktibidad.

“Sandra Cam must not be allowed to have a respectable position of trust in government.

She must instead be investigated for certain nefarious activities credible sources say she has managed to get involved in all these years such as swindling, illegal gambling and even drugs,” diin ni De Lima sa kanyang sulat kamay na mensahe.

Naniniwala rin ang senador na sangkot si Cam sa demolition job sa kanya. Nakakulong ngayon si De Lima sa Custodial Center ng Phi­lippine National Police (PNP) dahil sa kasong paglabag umano sa Da­ngerous Drugs Act.

Inamin na ni Pangulong Duterte na tumulong sa kanya si Cam sa nakaraang kampanya subalit hindi pa niya ito mabigyan ng puwesto dahil sa umiiral na one-year ban sa mga natalo sa nakaraang halalan.

“Mission accomplished, hence, the impending reward to be bestowed upon her by her principal that’s the ‘debt of gratitude’ alluded to by Duterte. Because of that ‘special’ relationship with the tyrant, Sandra Cam thinks and acts she is untouchable. This evil of a woman must be exposed, prosecuted and jailed,” patutsada pa ni De Lima.