Sandra Cam: Mga friend ni Duterte ‘di nagre-remit sa STL

Inamin ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) director Sandra Cam na may ilang kakilala pa at kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyang hindi nakakapag-remit sa mga Small Town Lottery (STL) operation.

Tumanggi naman si Cam na tukuyin ang mga ito maliban sa pagsasabing nakalulungkot na ang pinagkatiwalaan pa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang siyang hindi nakakasunod.

“Kaya naaawa po ako kay Pangulong Duterte kasi ang kaniyang drive ay anti-corruption. Sana kaming malalapit sa kanya na inilagay n’ya d’yan, mag-toe the line sana. Hindi iyung gagamitin na taga-Davao sila, kaibigan kami,” paliwanag ni Cam.

Hulyo 26, 2019 nang ipatigil ang operasyon ng STL, Peryahan ng Bayan at Keno dahil sa talamak na korapsyon.

Sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma na tatangkain ng PCSO Board na kumbinsihin si Pangulong Duterte na mabuksan muli ang operasyon nito sa oras na mabago na nila ang implementing rules and regulations ng laro na titiyakin nilang magiging transparent at malinis sa koraspyon.

Samantala, tiniyak ni Cam na handa niyang tukuyin at isiwalat sa magi­ging imbestigasyon ng Kamara o Senado ang nalalaman nito sa korapsyon sa PCSO.

Sa ngayon ay on going ang isinasagawang lifestyle check ng Presidential Anti Crime Commission, (PACC) sa mga board member ng PCSO gayundin kay dating PCSO General Alexander Balutan. (Tina Mendoza)