Sangalang, Lee, Barroca hinambalos ang Alaska

Ipinamalas muli ng Magnolia Hotshots ang kanilang dominasyon sa Alaska Aces sa tila pagpapatuloy ng kanilang naging salpukan sa kampeonato ng 2018 GoverĀ­nors Cup sa pagtakas ng 103-86 panalo sa tampok na laro sa eliminasyon ng 2019 PBA Philippine Cup sa Ynares Center sa Antipolo kagabi.

Umalagwa ang Hotshots sa ikalawang yugto kung saan ibinuhos nito ang kabuuang 27 puntos habang nilimitahan ang Aces sa 15 lamang upang sandigan sa pagsungkit nito sa ikalawang panalo sa loob anim na laro.

Muli pang nilimitahan ng Hotshots sa ikatlong yugto ang Aces sa 17 puntosĀ­ lamang upang itala ang 75-59 abante tungo na sa pagpapanatili nitong buhay sa kanilang tsansa na makaagaw ng isang silya sa huling apat na koponan na papasok sa quarterfinals.

Nagtulungan ang mga Team Pilipinas member na sina Ian Sangalang, Paul Lee at Mark Barroca bago tinapos nina Jio Jalalon at Rodney Brondial ang trabaho para sa Hotshots.

Nagtala si Sangalang ng 24 puntos, 14 rebounds at 6 assists habang si Lee ay may 20 puntos, 8 rebounds at 4 assists.

Nag-ambag si Jalalon ng 12 puntos, 2 rebounds at 1 assist habang si Brondial ay kumulekta ng 12 puntos, 10 rebounds at 1 assist.