Sangalang, Magnolia kinalahig unang panalo

Walang meltdown sa dulo, kumonekta pa ng mga krusyal na basket sina Ian Sangalang at Paul Lee para itulak ang Magnolia sa 92-87 panalo kontra GlobalPort sa AUF Sports Arena sa Angeles, Pampanga kagabi.

Natisod sa Phoenix 89-87 sa unang salang, rumesbak ang Hotshots para kolektahin ang unang panalo sa PBA Commissioner’s Cup.

Tumapos si Sangalang 22 points at eight rebounds, umayuda ng 19 points si Vernon Macklin at may 14 si Rome dela Rosa sa Magnolia.

Pinangunahan ng 20 markers ni Sean Anthony ang GlobalPort na naputulan ng back-to-back wins at natengga sa 2-2.
Hawak ng GlobalPort ang manibela 82-80 sa power move ni Mo Tautuaa sa ilalim, pero naiwang mag-isa si Lee para ibaon ang panlamang na 3, 83-82.

Balik sa Batang Pier ang lead sa nakumpletong three-point play ni Anthony, agad ibinuhol ng basket ni Sangalang sa 85.

Split si Sangalang sa line, sinundan ng runner ni Lee 88-85, 2:27 sa orasan.