Magkasama pa rin hanggang piitan ang magkasintahan matapos mabuking na ginagamit ang isang baby bilang drug courier sa pamamagitan ng pagsisiksik ng iligal na droga sa suot nitong diaper, sa isinagawang anti-illegal drugs and anti-criminality ope­rations sa Quezon City kahapon ng hatinggabi.

Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) director, Police Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang magkasintahang dinakip ay sina Lyza Antonio, 28-an­yos, ng Tala, Caloocan, at Reymar Sarmiento, 30-anyos, ng Brgy. Pasong Tamo, QC. Kasama ring nadakip ang isang Dominic Villanueva, 29-anyos, sa buy-bust operation ng Cubao Police Station sa pamumuno ni P/Supt. Giovanni Hycenth Caliao, dakong alas-12:20 ng hatingggabi sa Araneta Ave. corner Gen. Roxas Ave., Araneta Center, Cubao.

Ayon kay Station Anti-Drug Enforcement Unit chief, P/Sr. Insp. Ramon Aquiatan, ang magkasintahan ay gumagamit pa ng bata para sa kanilang illegal drug activity kung saan itinatago ang shabu sa diaper ng baby.

“Para hindi sila mahuli, isinisiksik nila ang shabu doon sa diaper na suot ng bata. Kaso may nakapag-tip sa amin ng modus nila kaya nang mahuli naman sila, tiningnan namin ‘yung suot na diaper ng bata at doon ay nakuha namin ang nakasiksik na droga,” ani Aquiatan.

Nakumpiska sa kanila ang 14 sachet ng shabu at buy-bust money.

Tumanggi naman ang magkasintahan kung kaninong anak ang batang dala ng mga ito.