Nasawi ang 1-taong gulang na sanggol na lalaki matapos masunog nang maiwang mag-isa sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-nuwebe ng umaga nang maganap ang sunog sa bahay ng biktimang si Jamal Cabarles Sarapida na nakatira sa Block 38, Lot 4, Sanana Road, Miramonte Heights, Barangay 180 ng nasabing lungsod.

Bago naganap ang sunog ay iniwan umano ang biktima ng kanyang inang si Roberlyn Cabarles upang mamalengke pero ibinilin naman nito sa kaibigang si Diane Kristine Sagun, na kapitbahay nila.

Gayunman, ilang minuto pa ­lamang ang nakakalipas at hindi pa man napupuntahan ng kanyang kaibigan ang anak ay biglang nagkaroon ng sunog sa loob ng kanilang bahay kung saan naiwan mag-isa ang biktima.

Mabilis na bumalik ang inang si Cabarles at tinangka pang sagipin ang kanyang anak pero hindi na rin ito nagawang maisalba dahil sa laki ng apoy.

Agad ding nakaresponde ang mga bombero at naapula ang apoy pero wala nang buhay ang biktima na halos matusta sa pagkakasunog nang matagpuan ng mga awtoridad.
Inaalam pa ng mga arson ­investigator ang dahilan ng sunog, ­samantalang dinala naman sa Jara Funeral Homes ang mga labi ng biktima at isasailalim sa autopsy.