Palutang-lutang kasama ng bunton ng basura nang matagpuan ang wala nang buhay na bagong silang na sanggol sa ilog ng Barangay Cabato Road, Zamboanga City kahapon ng umaga (May 2).
Ayon sa Zamboanga City Police Station (ZCPS), ang naturang bagong panganak na sanggol ay isang lalaki na natagpuan dakong alas-6:00 ng umaga.
Sa imbestigasyon, sinabi ng ZCPS, na natagpuan ng mga residente ang naturang sanggol sa ilog ng Cabato Road, ng nasabing siyudad na napapalibutan ng mga basura. Inakala pa umano nila na ang sanggol ay isang manika.
Pero nang suriin ng mga residente, natukoy na ito ay isang sanggol.
Pinaniniwalaang bagong silang lamang ito dahil nakakabit pa ang kanyang umbilical cord.
Sa inisyal na imbestigayon ng pulisya, posibleng tinapon kaagad ang nasabing sanggol sa ilog pagkaluwal ng kanyang ina. (Allan Bergonia)