SANGGOL NILUNOD SA BALDE

Sanggol

Patay na nang matagpuan ang isang 24-araw na gulang na sanggol na lalaki na nakalubog sa isang balde na puno ng tubig matapos itong saglit na iwanan ng kanyang ina kahapon ng umaga sa bayan ng Libmanan, Camarines Sur.

Ayon sa ulat na ipinarating ng Libmanan Muni­cipal Police Station (MPS) sa Police Regional Office (PRO) 5, naganap ang insidente pasado alas-siete ng umaga sa Sitio Uguis, Barangay San Isidro ng nasabing bayan.

Napag-alaman sa nanay ng biktimang nakilalang si Jocelyn Mercadero, 21, lumabas lang siya ng kuwarto upang umihi at iniwanan niyang natutulog ang kanyang anak.

Makalipas ang may 10 minuto ay bumalik ito ng kuwarto at nagulat siya dahil wala na doon ang kanyang anak kaya hinanap niya ito sa paligid.

Hanggang sa mapagawi ito sa parteng kusina at laking sindak nito ng makitang nakalubog na ang kanyang anak sa isang balde na puno ng tubig kaya mabilis niya itong iniahon at hu­mingi ng tulong sa mga kapitbahay upang madala sa pinakamalapit na ospital, pero wala ng buhay ang sanggol ng dumating doon.

Sa ngayon ay mala­king palaisipan sa pulisya ang pangyayari kung sino ang kumuha sa sanggol at naglunod dito sa baldeng puno ng tubig.

Isa sa pinaghihinalaan ng pamilya ng sanggol ay ang kanilang kapitbahay na may diperensya sa pag-iisip na posible umanong pumasok sa kanilang bahay at nakitang walang kasama ang sanggol kaya ito kinuha.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang masu­sing imbestigasyon ng awtoridad para sa ikalulutas ng kaso.