Sangkap sa kusina tiyaking ligtas

Kaye Dacer

Nakakatakot naman ang mga naglalabasang ulat patungkol sa ilang sangkap sa kusina.

Noong una ay napa­balita ang pagkakaroon ng synthetic acid ng limang brand ng suka.

Mismong ang Food and Drug Administration (FDA) ang kumumpirma na nagtataglay ng nasabing kemikal ang limang brand ng suka.

Gayunman ay nilinaw ng FDA na wala itong masamang epek­to sa kalusugan pero nangangahulugang itong substandard.

Kasama sa mga brand ang Surebuy Cane Vinegar, Tentay Pinoy Style Vinegar, Tentay Premium Vi­negar, Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim, at Chef’s Flavor Vinegar.

Matapos tukuyin ang suka na may synthetic acid ay mga toyo at patis naman ang sinasabing may problema.

Kaya nakatakdang suriin ng Philippine Nuclear Research Ins­titute (PNRI) ang mga brand ng toyo at patis para tiyaking ligtas ang ito sa kalusugan at naaayon sa standard production processes.

Mas matindi ang ibi­nabatong isyu sa mga toyo at patis dahil ginagamitan daw ito ng muriatic acid.

Para matiyak na ligtas ang mga ipinapangsakap natin sa pagluluto na mga toyo at patis ay gagamit ang PNRI ng advanced nuclear technology upang malaman kung ang sawsawan na ito ay nagtatagalay ng synthetic ingredients.

Maging ang Phi­lippine Risk Profiling Project na nagre-research ng food safety, ay magsasagawa din ng pagsusuri.

Ang hakbang ay isasakatuparan dahil sa mga ulat na ilang gumagawa ng toyo at patis ay gumagamit ng hydrochloric acid o muriatic acid para pabilisin ang mahabang proseso ng fermentation.

Nakakabahala ang ganitong mga ulat, dahil kalusugan nating lahat ang nakasalalay.

Ang apela natin sa pamahalaan ay patawan sana ng mabigat na parusa ang mga nasa likod ng kalokohang ito sa hangaring kumita ng malaki.

Hangga’t wala kasing mabigat na batas laban sa mga gumagawa ng ganitong klaseng kalokohan ay magpapatuloy sila.

Kaya dapat ay makapagbuo ng batas ang Kongreso na magpapataw ng parusa sa ganitong klaseng mga negosyante.