Sangkot sa vandalism damputin — DILG

Iniutos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) ang pagtugis at pag-aresto sa mga taong sangkot sa bandalismo o pagdungis sa mga istruktura at ari-arian ng pamahalaan.

Ang kautusan ay ginawa ni Año, kasabay nang paninindigan na makatarungan at naaayon sa batas ang ginawang pag-aresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa apat na miyembro ng Panday Sining na naaktuhang sangkot sa bandalismo sa poste ng Light Rail Transit (LRT) sa Lungsod ng Maynila kamakailan.

Giit ni Año, paulit-ulit nang binalaan ang mga naturang ‘vandals’ na itigil ang kanilang ginagawa ngunit hindi aniya nakikinig ang mga ito kaya’t marapat lamang na turuan na sila ng leksiyon upang magtanda.

“Nagsusumikap ang gobyerno na magkaroon ng kaayusan at kalinisan pero binababoy nila. They have been repeatedly warned and now they will face the consequences of their actions,” ayon kay Año.

“Imbes na tumigil, tuloy pa rin sila sa pagsasalaula nila sa kapaligiran. Hindi na sila nakikinig sa awtoridad. Sobra na. Tama na. Tama lang na maturuan sila ng leksyon para magtanda,” aniya pa. (Dolly Cabreza)