Hindi kinatigan ng Department of Health (DOH) ang panawagan ng vaccine manufacturer Sanofi Pasteur para sa muling pagbebenta ng kontrobersual na Dengvaxia sa bansa, sa gitna ng deklarasyon ng national dengue epidemic.
Sa desisyon ng DOH, pinagtibay nito ang nauna nang pasya ng Food and Drug Administration (FDA) sa pagkandela ng certificate of product registration ng Dengvaxia dahil sa kakulangan umano ng kompanya para magpasa ng mga post-approval requirement na nagresulta sa pagbabawal sa pagbebenta, pag-distribute at pag-manufacture ng nasabing bakuna.
Sinabi naman ni DOH Secretary Francisco Duque III sa isang pahayag, na ginawa ang desisyon base sa pagbalewala ng Sanofi sa regulasyon ng FDA, na inilagay para masiguro ang kaligtasan ng publiko at hindi ang pagiging epektibo ng bakuna ang isyu.
Bigo umano ang Sanofi Pasteur na maghain ng ikatlo at ikaapat na bersyon ng risk management plan nito na naglalaman ng ulat sa naging hakbang simula nang magkaroon ng Dengvaxia scare noong 2017.
Samantala, itinanggi ng Sanofi Pasteur na lumabag ito sa regulasyon ng FDA. Nagpasalamat din ito sa kagawaran dahil sa pagkilala na hindi eksperimento ang kaligtasan ng Dengvaxia. Pag-aaralan din anila ang legal na magagawa upang maipamahagi muli ang Dengvaxia sa merkado.