Santiago, Foton pinadapa ang Sta. Lucia

RESBAK!
Mga laro bukas:
(FilOil Flying V Center)
2:00 p.m. – Sta. Lucia vs United VC
4:15 p.m. – Cignal vs F2 Logistics
7:00 p.m. – Generika-Ayala vs Foton

Sa petmalung pinakita ni Alyja Daphne ‘Jaja’ Santiago, lumakas ang tsansa ng Foton Tornadoes na makaiwas sa No. 8 nang gantihan ang Sta. Lucia, 12-25, 25-14, 25-20, 25-15, Martes nang gabi sa 7th Philippine Superliga 2019 Grand Prix prelims sa FilOil Flying V Center, San Juan.

Kinapitan ng Tornadoes si 6-foot-6 middle blocker/opposite hitter Santiago sa pagratsada ng pitong attacks, apat na service aces at dalawang blocks upang ilista ang 2-11 win-loss record at saluhan ang biktima sa seventh place.

“Na miss ko mga kakampi ko ang tagal ko ring hindi sila nakasama kaya sabi ko may quarterfinals pa may pag-asa pa tayo at makapaglaro ng matagal.” masayang namutawi kay Santiago, na kagagaling lang sa Ageo Medics-V. League 1 ng Japan.

May isang laro pa ang Foton at kailangan manalo upang makuha ang inaasam na seventh spot upang makaiwas na makaharap agad ang unbeaten sa 14 games at defending champion Petron Blaze Spikers sa quarterfinals.

“I hope that this will serve as a morale booster for the team, we’ve been from a very tough situation and we have no one to count on to but ourselves,” saad naman ni Foton coach Aaron Velez, “Honestly, we’re still struggling, it was very evident in the game, still I am optimistic that we can start from this one.”

Sakaling ikahon ang No. 7, haharapin ng Tornadoes ang last year’s runner-up F2 Logistics sa playoffs ng torneong mga suportado ng Asics, Mueller, Mikasa, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Cocolife, Hotel Sogo at Data Project.

Bukod kay Santiago, naging instrumento rin sa panalo ng Tornadoes sina import Felinski Courtney at Mina Aganon. (Elech Dawa)