Susuportahan ni Arwind Santos ang kanyang kapwa alumnus sa Far Eastern University na si Terrence Romeo kahit ilang beses nang nagkrus ang kanilang landas at nagkainitan sa laro sa pagpasok ng huli sa San Miguel Beer.

Ikinatuwa ni Santos ang pagkuha sa serbisyo ng kanyang kapwa Tamaraw upang maging kakampi sa San Miguel kung saan kumpiyansa itong malaki ang maitutulong ng dating tatlong beses na scoring champion na si Romeo para sa hangad ng Beermen na ikalimang sunod na korona sa PBA Philippine Cup.

“Ilang beses na rin kaming nagkakainitan ni Terrence noon. Sabi ko nga, maliit lang ang mundo namin. Ngayon, magkasama kami. Depende na lang kung magkakainitan kami sa team, depende na lang ‘yun,” sabi ni Santos sa pag-alalay kay Romeo para sa kapakanan ng Beermen.

“Marami tayong naririnig against him pero ka-Tamaraw natin ‘yan,” hirit ni Santos matapos ang ensayo ng Beermen kahapon. “Ako naman, hindi naman ako ganu’n makisama sa kapwa ko ka-Tamaraw.

“Kilala naman ako ni Terrence pero hindi pa kami nagsasama. First time namin magkasama sa team. Ang wish ko, maganda ang pasok niya, makatulong siya sa team at matulungan niya ‘yung team.”

Nilipat sa San Miguel si Romeo kapalit nina Brian Heruela, David Se­merad at future first-round pick matapos maiulat na nakaaway nito ang ilang teammates sa TNT KaTropa. Ilang players mismo sa KaTropa ang bumoto na alisin si Romeo sa koponan.

Ipinaliwanag ni Santos na ang pagkakalipat ni Romeo sa Beermen ang perpektong oportunidad para patunayan na mali ang kanyang mga kritiko.

“Nakakalungkot din ‘yung alam mong ta­lented ka, magaling ka, tapos parang naririnig natin na last chance na niya ‘yung team namin. Nakakalungkot din kasi kahit papaano, kaming mga player, maliit lang mundo namin. Ayaw din namin na magkakaaway kami or may galit kami sa bawat isa,” wakas ni Santos. (Lito Oredo)