Nasakote ng pinagsanib na grupo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Olongapo at ng 301st Maritime Police Station (MARPSTA) ang dalawang babae sa Barangay Baretto sa lungsod na ito habang nagsusugal sa loob ng compound.
Sa police report na ipinadala ni PMaj Michael John Villanueva, hepe ng CIDG Olongapo, huli sa akto habang nagsusugal ang dalawang suspek na nakilalang sina Minda Luz Romero at Maricel Abaya habang nakatakas naman ang dalawa pang kasama.
Nakuha sa dalawa ang 52 piraso ng braha at mahigit P1,000 pantaya sa ginagawang pagsusugal.
Samantala, sasampahan ng magkaibang kaso ang mga suspek kabilang ang mga nakatakas dahil sa pagsusugal at paglabag sa Enhanced Community Quarantine na pinapairal sa lungsod (ECQ).
Natuklasan din sa imbistigasyon na ang isa sa mga suspek na si Abaya ay benipisyaryo ng Social Amelioration Program o (SAP) mula sa gobyerno. (Randy Datu)