SAP para sa mga mahihirap nga ba?

Tapos na po ang huling araw nang pamamahagi ng social amelioration fund para sa mga pinaka-mahihirap na pamilyang Pilipino na naapektuhan ng enhanced community quarantine pero marami pa rin ang hindi nakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa gobyerno.

Kabi-kabila pa rin ang mga nagtatanong at naglalabas ng hinaing na hindi man lang sila nasayaran ng kahit katiting na sentimo mula sa ipinangalandakang P200 bilyon na ibinigay ng gobyerno sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa social media lang ay napakaraming post at video na naglalabas ng kanilang hinaing sa gobyerno dahil bigo sa inaasahang makakatanggap sila ng ayuda sa gobyerno ngayong panahon ng krisis dahil sa coronavirus pandemic.

Bagamat mayroon naman talagang mga nakatanggap, mas marami ang hindi nabigyan dahil disqualified umano ang mga ito sa pamantayang sinusunod ng mga social worker officer.

Ang masaklap nito, maraming senior citizen na hindi naka-enroll sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang hindi rin nabigyan ng ayuda at wala umano sa listahan, pati na mga Person With Disability (PWD) na kahit binisita at nakita na ng social worker staff ang kaawa-awang sitwasyon ay hindi rin pumasa umano sa kuwalipikasyon.

Isa pang kuwestiyon dito ang sinasabing listahan sa database ng DSWD na hindi naman pala updated at sa mismong bibig ng kalihim ng ahensiya lumabas na may mga patay na sa listahan ang nakatanggap ng pera! Eh `di wow!

Nasaan ba talaga ang problema? Sa mga social worker ba, sa mga opisyal ng barangay o local executive? Malinaw naman siguro ang inilabas na guidelines ng DSWD sa mga magiging pamantayan sa pamimigay ng tulong pinansiyal pero tila ba hindi nasusunod.

Malinaw naman ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, huwag hayaang magutom ang mga Pilipino na naapektuhan ng ECQ dahil sa COVID-19 crisis pero tila hindi nasunod ito.

Dalawang ahensiya na ang namahagi ng ayuda, ang DSWD at Department of Labor and Employment (DOLE), pero tila sa sistema ng pamamahagi sumablay.

Kapag may pagdududa, dapat i-review ang mga panuntunan kung sino-sino ang mga dapat na mabigyan ng ayuda mula sa SAP para hindi naman sa mga nangangasiwa sa barangay ang laging bunton ng sisi.

Hindi lang natin masabi kung nakikialam din si mayor sa sistema ng distribusyon dahil dapat trabaho ito ng mga tauhan ng DSWD sa regional, city at municipal level.

Kailangan siguro ulit-ulitin ng DSWD sa pamamagitan ng information campaign at ipaliwanag sa publiko kung sino ang mga dapat makatanggap ng ayuda para hindi umasa ang mga tao. Lahat ay nakakaranas ngayon ng hirap at gutom dahil natigil ang trabaho kaya isang round o kaya dalawa o kahit tatluhin ang pagpapaliwanag para maging malinaw ang lahat.

Masakit sa loob ang umasa at mabigo lalo na sa panahong naghihirap ang lahat at walang ibang maasahan kundi ang tulong ng gobyerno.

Kung ano ang dapat para kay Juan ay dapat ibigay dahil marami talagang isang kahig isang tukang nagugutom na mga Pilipino.