
Naglarong all-Filipino ang San Miguel Beer ni coach Leo Austria dahil wala si import Arizona Reid, pero hindi basta tumiklop ang Beermen hanggang nakawin pa ang panalo laban sa Alaska, 106-103, sa PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Halos buong gabing naghabol ang SMB, naiiwan pa ng 11 sa fourth quarter pero nagawang igapang ang panalo na nagsampa sa kanila sa joint second kasama ng Mahindra at Ginebra sa 5-2 win-loss cards.
Tulung-tulong ang locals ni Austria sa pagpuno sa binakanteng produksiyon ng injured na si Reid, nanguna si June Mar Fajardo na umako sa trabaho ng import sa kinamadang team-high 37 points at nagbaba pa ng 14 rebounds.
Laglag sa 2-5 ang Aces, sa anim na laro sapul pa noong Philippine Cup finals ay hindi pa nananalo kontra SMB.
“Good thing without an import, every player is challenged,” bulalas ni Austria. “We don’t have to rely on anyone, we have to rely on the team.”
Nasa sidelines lang ang naka-civilian clothes na si Reid, pinanood habang nakikipagbakbakan ang locals. May balitang papalitan si Reid, at isa raw sa kandidato si dating Barako Bull reinforcement Mike Singletary.
Limang Beermen pa ang tumapos ng 10 points pataas sa pangunguna ng 17 ni Alex Cabagnot. May 12 si Marcio Lassiter, 11 kay Arwind Santos at 10 kay JayR Reyes.
Pinakamalaking defensive stop ang kinana ni Ross sa dying seconds nang butatain ang panablang 3-pointer ni Alaska import LadonTae Henton, tumapos ng dambuhalang 45 points.
Sa first game, minanduhan ni rookie Baser Amer ang teamwork ng Meralco mahigit 3 minutes pa sa laro at tinimbog ng Bolts ang NLEX, 101-95, para kumapit sa fifth sa 5-3. Dausdos ang Road Warriors sa 3-4.