Lintek talaga ang perwisyong dulot nitong virus na nanggaling sa China na COVID-19. Bukod sa nilulumpo nito ang kabuhayan ng marami nating kababayan sa Pilipinas, sapul din ang hanapbuhay at kaligtasan ng marami nating kababayan sa abroad.
Habang aligaga pa nga ang mundo sa kung papaano gagamutin ang mga tao na tinamaan ng virus na nanggaling sa China, ito namang China eh tuloy pa rin pala sa pagtatayo ng mga istruktura sa mga artipisyal na islang ginawa nila sa teritoryong sakop ng Pilipinas na Kagitingan (Fiery Cross) at Zamora (Subi) Reef.
Nitong ngang Marso, iniulat na binuksan na ng China ang sinasabing research station sa nabanggit na mga lugar. Gaya ng dati, para raw sa pangangalaga ng kalikasan ang mga laboratoryong inilagay sa mga isla na puwede rin daw na maging puntahan ng mga mangingisda kapag inabot sila ng delubyo sa laot.
Ngunit kung ang mga makabayang Pinoy ang tatanungin mo, malamang na “nek-nek mo” ang sasabihin nila sa ganung paliwanag. May mga indikasyon kasi na pangdepensang militar at paniniktik sa likas yaman ng Pilipinas sa West Philippine Sea ang pakay nila sa pagtatayo ng mga artipisyal na mga isla.
Pero teka, ano nang balita sa Scarborough Shoal? Baka pagkatapos ng krisis na ito sa virus eh magulat na lang ang mga Pinoy at ang mundo na nakapagtayo na rin pala sila ng istruktura sa Scarborough Shoal na itinuturing na kritikal na lugar para sa Pilipinas.
Habang gustong palabasin ng China na nakaraos na sila sa krisis na dulot ng sarili nilang virus, nagkukumahog pa rin ang Pilipinas, at ang napakaraming bansa na may napakaraming Pinoy tulad sa Amerika at Europe.
Hindi lang ang mga kababayan nating mga OFW, at mga residente sa bansang kinaroroonan nila ang nakararanas ngayon ng pagsubok kung hindi maging ang mga kababayan nating seaman na nagtatrabaho sa mga cruise ship o barkong sinasakyan ng mga turista.
Tulad kasi ng mga eroplano na halos karamihan eh hindi na lumilipad dahil sa travel ban, tigil din ang paglalayag ng mga cruise ship. Aba’y libu-libong Pinoy na nagtatrabaho sa mga cruise ship ang uuwi sa bansa. Mabuti sana kung nakapag-ipon sila para may magamit sila habang walang biyahe. Pero papaano kung wala?
Ganundin marahil ang problema ng mga Pinoy na iligal na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa na limitado ang kilos ngayon dahil sa quarantine. Kung ligal man sila sa bansa na kinaroroonan nila, malamang problema rin nila ang trabaho ngayon lalo na kung hindi sila regular employee at pa-side-side lang.
Kaya bukod sa kita sa kalakalan, inaasahan din na babagsak ang dollar remittance na galing sa mga Pinoy sa abroad dahil na rin sa krisis sa virus. Sana magkaroon din ng ayuda ang DOLE/OWWA sa mga pamilya ng mga OFW na mahihirapan na makakuha ng ayuda mula sa mga ibibigay ng lokal na pamahalaan at sa Bayanihan to Heal As One Act.
Sa ngayon, batay sa listahan ng DFA, napakaraming Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus sa iba’t ibang panig ng mundo. Inaasahan na mas dadami pa ito sa mga darating na araw. Kung dumami man, ipagdasal natin na huwag na sanang madagdagan ang bilang ng mga nasasawing Pinoy sa abroad.
Kaya lang sa takbo ng mga pangyayari sa Amerika pa lang, Spain at Italy, aba’y patuloy ang pagdami ng COVID-19 cases at mga nasasawi sa kanila. Ang mahirap pa, problema na rin nila ang nauubos na protective gear ng mga health worker. Aba’y marami rin tayong mga kababayang nurse na nagtatrabaho sa mga ospital doon na nahihirapan din gaya ng mga frontliner natin dito sa Pilipinas.
Kaya habang ipinagdarasal natin na matapos na ang krisis na ito, ipagdasal din natin ang mga kababayan nating mga Pinoy na nasa abroad. At huwag na huwag nating kalimutan mga tsong na ang virus na ito eh nanggaling sa China. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”