Umapela kahapon si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa mga nagpapalutang sa posibilidad ng kanyang pagtakbo sa pagka-pangulo ng bansa sa 2022 elections, na maglubay na dahil wala umano siyang balak na sundan ang yapak ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ng presidential daughter na nagpapasalamat siya sa pagtitiwala sa kanyang kakayahan pero hindi aniya ito makatarungan para sa ibang nag-aambisyong maging presidente na siya ang patuloy na itulak sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Wala umano siyang plano na pumalit sa puwesto ng kanyang ama dahil ang lahat ng nagaganap sa kanyang buhay ngayon ay hindi naman niya inisip na mangyayari.
Nag-aral umano siya ng pagka-doktor pero nauwi siya sa pagiging abogada. Nais niyang maging maybahay pero napalaot naman siya sa politika.
“I have learned that my life is not mine, it is always God’s will, in God’s time, and planning is futile,” dagdag ng alkalde.
Hindi na rin umano siya magtataka kung number one siya sa hate list ng mga nag-aambisyong maging presidente kapag nagpatuloy ang pagtulak sa kanyang lumahok sa presidential election sa 2022.
Sa ngayon aniya ay abala siya sa pangangampanya para sa 13 kandidato ng Hugpong ng Pagbabago pero nilinaw din ng alkalde na wala silang ginagamit na pera ng bayan sa kanilang kampanya.