WALEY: Waley pagsidlan ng galak ang mga taga-teatro nang maganap ang kanilang ika-9 PhilStage Gawad Buhay sa CCP.

Nagpagalingan ang theater groups at ­deserving ang mga pinarangalan.

Malinaw na ang tema na ‘Celebrating ­Golden Years In Theater’ ay patungkol sa sabay na 50th Anniversary ng Reper­tory Philippines (as repre­sented by Baby Barredo) at PETA (as represented by ­Cecille Guidote-Alvarez).

Nakakatuwa pa sana ang talakan ng ­dalawang mag-BFF noong kolehiyo onstage about their different theater groups pero masyadong pinaghandaan ni Cecille Alvarez ang okasyon.

Ang haba ng naging airtime niya sa kanyang performance art bilang closing message.

Ang sabi tuloy ng mga taong nandoon ay nangabog si Cecille dahil kailangan niyang kumbinsihin ang mga tao na karapat-dapat siyang maging National ­Artist pagkatapos bawiin sa kanya ang nasabing parangal a few years back.

In any case, nakakatuwa pa rin ang nasabing pagtitipon dahil napaka­galing ni Jon Santos sa pagho-host, kasama ng taped messages ng iba’t ibang imperso­nations niya ng mga Philippine presidents.

Maraming artista natin sa telebisyon at pelikula ang galing sa teatro and vice versa, ­marami ring mainstream stars na sumusubok na magteatro.

Uso na ang crossover stars na siyang nanalo ng ibang awards tulad nina Cris Villonco at JC Santos.

Tanong lang ng iba, ano kaya ang ­masasabi ni Baby Barredo na nag­wagi si Menchi Lau­chengco na parang itina­walag nila sa Repertory Philippines?

Naniniwala pa rin ako na ang acid test sa mga tunay na mahu­husay na artista ay ang pagteteatro kaya ang mga tulad nina Nora Aunor, Hilda Koronel, Joel Lamangan, Mario O’Hara, Shamaine & Nonie Buencamino, Ricky Davao, Irma Adlawan, Julio Diaz, Cherie Gil, Bodjie Pascua, Celeste Legaspi, at Zsa Zsa Padilla ay buo ang paghanga ng theater community dahil kaisa nila ang mga ito.

Maging si Piolo Pascual na taga-UST ay nagteatro rin.

Teka, hindi ba’t naka-schedule na rin si Sarah Geronimo na magteatro?

Masaya ito kung nagkataon!

Mabuhay ang teatrong Pilipino!

***

HAVEY: Sa gitna ng mga puna ng iba’t ibang grupo sa industriya ng pelikulang Pilipino ukol sa taunang Metro ­Manila Film Festival, ­masaya na umabot sa 55 letters of intent ang ­natanggap ng MMFF Secretariat pagka­tapos ng May 10 deadline.

Ang susunod na hakbang ay ang pagsumite na ng full-scripts na ang deadline ay sa June 15.

Nakakatuwa na ­lahat ng klaseng pelikula — galing man sa mainstream studios o sa independent productions — ay nagtitiwala pa rin na ang MMFF ang pinaka-effect­ive na venue para mapanood ang kanilang mga pelikula sa panahon ng Kapaskuhan.

Ngayong araw na ito, may presscon ang isang option ng producers na may ready nang peli­kula na walang makuhang playdate for their commercial run.

Ito ang Pista ng Pelikulang Pilipino ng Film Development Council of the Philippines sa Agosto.

Bring them all in — these festivals — mapa-­Cinemalaya, ­Cine-Rehiyon, Cine Fili­pino, CinemaOne Originals, ­QCinema, ToFarm Filmfest, SinagMaynila, CineLokal at ngayon, ang Pista ng Pelikulang Pilipino.

Lahat ng mga ito ay may nagkakaisang ­layunin lang — ang tulu­ngang iangat at itanghal ang pelikulang Pilipino.

Kaya kapit-bisig na lang tayo!

***

WEHHH: May dala­wang direktor ang med­yo napapansin ng mga tao na laging nasa Megamall, Robinsons Galleria, at Robinsons Magnolia.

Akala namin ay doon lang sila madalas manood ng sine pero may ibang balita kaming nasagap.

Itong unang direktor na napakalakas ng boses ay nag-transfer na sa isang restaurant malapit sa sinehan para iyun na ang ginagawa niyang opisina.

May nakapagsabi sa amin na dito siya nagpa­pakilala bilang sikat na direktor noong kapanahunan niya para maka-­attract siya ng mga ba­tang gustong mag-artista.

Ito rin ang siste ng isa pang direktor na sikat din noong panahon niya.

May eccentricity din itong direktor na ito na mga ER (workER, labo­rER) ang mga type niya at ang sinehan ang gina­gawa niyang playground.

Sana, makagawa pa itong dalawang direktor na ito ng magagandang pelikula tulad ng mga nagawa nila noong panahon nila.

Sana, maganda ang epekto sa kanila ng mga bata na nakikilala at nabibingwit nila sa mall.