“Napagod na kasi ako maghintay,” ang pabirong sagot ni Sarah Geronimo nang matanong nina Luis Manzano at Billy Crawford sa “ASAP Natin ‘To” last Sunday kung may gusto siyang sabihin hinggil sa engagement with Matteo Guidicelli.
‘Yun pala, si Piolo Pascual ang ibig niyang sabihin. Nagbibiro siya na napagod na siyang maghintay kay Papa P na naroroon din at natawa na lang.
Tinanong siya ulit ni Luis kung puwede bang ikuwento niya kung paano ang nangyari sa engagement pero hindi ito sinagot ni Sarah at sa halip ay si Billy ang tinanong kung kumusta ang buhay may-asawa.
Sumagot naman si Billy na napakasarap daw at nagbigay ng advice kay Sarah.
“Ay naku, napakasarap! Sinasabi ko sa ‘yo, kahit ano ang mangyari sa buhay, ‘pag mayroon ka nang asawa, iba na. Kung ano ‘yung problema mo, dalawa na kayo. Kung ano ‘yung maganda sa buhay niyo, dalawa na kayong gaganda ang buhay niyo.
“Pero ‘wag na ‘wag lang mawala sana na gagabay sa inyo ang Panginoon. ‘Yun lang. Unahin niyo lang ang Panginoon sa relationship niyo, you guys will blossom into a blessing. Pramis ‘yan,” pahayag ni Billy.
Matapos i-reveal ang engagement ni Sarah and Matteo few days ago, ang inaabangan naman ng lahat ngayon ay kung kailan ang kasal. (Vinia Vivar)