Buking at arestado ang isang pulis habang nasa aktong naglalaro ng tupada (illegal cockfighting) sa isinagawang raid noong Sabado ng gabi sa cockpit arena sa Tayug, Pangasinan.

Kinilala ni Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) director Police Col. Ronald Lee ang suspek na si PSSg. Sherwin Salazar, nakatalaga sa Pangasinan Police Provincial Office (PPPO).

Sa imbestigasyon, naganap ang raid ng operating unit ng PNP-IMEG bandang alas-8:30 ng gabi sa loob ng JBC cockpit arena sa Tayug, Pangasinan.

Ayon sa raiding team ng PNP-IMEG, nabulaga umano ang mga manlalaro ng iligal na sabong na kasama pa si Salazar na sumisigaw pa umano ng “walo-anim” habang naglalaban ang dalawang tinaling manok.

“We’re intensifying our monitoring of policemen involved in all forms of illegal activities to assure the public that we will apprehend [scalawags] as soon as we have built enough evidence against them,” ani Lee.

Dinala sa tanggapan ng PNP-IMEG si Salazar na nahaharap sa kasong administrative at grave misconduct.

Kasama ni Salazar na naaresto sa raid ang dalawang civilian na sina Fiddie Rosario at Florendo Mando. (Allan Bergonia)