Hinihinalang sa dami ng umagos na dugo, tuluyang nasawi ang isang 74-anyos na lalaki matapos umano nitong mataga ang sarili habang nangunguha ng baging na panali sa kanyang panindang kaong sa gubat sa Cavinti, Laguna.

Kinilala ng Cavinti police ang biktima na si Rodolfo Duma, residente ng Barangay Labayo.

Ayon sa pamilya ng biktima, Sabado ng gabi nang matagpuan nila ang katawan nito na wala ng buhay sa gitna ng gubat sa Sitio Tabas, tatlong kilometro ang layo sa kanilang tahanan.

May tama ng taga ang paa nito na nababalutan na ng damit nang kanilang makita.

Paniwala ng mga kaanak, nataga nito ang kanyang sarili habang nangunguha ng “panangkas” na isang native na panali at posibleng pagkaubos ng dugo ang ikinasawi nito.

Sabado ng hapon nang umalis ang matanda sa kanilang bahay subalit inabot na ng gabi ay hindi pa ito nakakabalik kaya nagpasya ang pamilya na hanapin na ito sa nasabing lugar. (Ronilo Dagos)