Mababalewala at masasayang lamang ang mga boto kapag pinagpilitan ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ang pag-endorso ng mahigit sa 12 kandidato sa senatorial race sa May 2019 mid-term elections.
Ito ay kapag ibinoto ng straight ang mga pambato ng HNP dahil hindi na magiging balido ang balota.
Labindalawang kandidato lang kasi sa pagka-Senador ang kailangan pero 13 ang pambato ng HNP.
Ang mga computerized vote counting machine na gagamitin ng Comelec sa Mayo ay makakabasa lamang ng 12 boto.
Kaya kapag 13 ang ibinoto ay awtomatikong magiging invalid na ito.
Sakaling ganito ang mangyari sasagasaan ang boto ng mga pambato ng HNP sa senatorial race na sina Sonny Angara, Cynthia Villar, Aquilino “Koko” Pimentel III, at Joseph Victor “JV” Ejercito; Ilocos Norte Gov. Imee Marcos; dating presidential assistant Bong Go; dating mga Senador na sina Jose “Jinggoy” Estrada at Bong Revilla; dating presidential spokesman Harry Roque; Deputy Speaker at Taguig City-Pateros Rep. Pia Cayetano; dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Bato dela Rosa; Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu; dating presidential political adviser Francis Tolentino, at veteran broadcast journalist na si Jiggy Manicad.
Kaya malaking sakit ng ulo sa kanilang mga pambato ang ginawang ito ng HNP.
Sabagay may paaalala naman si Mayor Sara Duterte na bahala na ang mga botante na mamili sa 13 nilang inindorso.
Dahil sa pahayag ni Mayor Sara lalabas lamang na pagpipilian lamang ang 13 mga kandidato ng Hugpong kaya hindi dapat papetiks-petiks ang mga ito dahil kapag minalas ay maiiwan sa kangkungan.
Ang dami-dami kayang may K sa iba pang partido na tumatakbo sa Senado!
***
Amoy eleksiyon na talaga kahit kaaarangkada pa lamang ng kampanyahan.
Kaya naman ang sisipag na ng mga kandidato sa pangangampanya.
Sa katunayan kahit na hindi pa panahon ng kampanyahan sa local level ay sangkatutak na mga kandidato na ang nangangampanya.
Ang maipapayo ko na lamang sa mga kandidato ay ingat-ingat lalo na’t aktibo ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa pagbabantay sa mga kandidatong lumalabag sa mga panuntunan sa kampanya.
Maliban sa sipag ng Comelec ay aktibo na rin ngayon ang netizen sa pagre-report ng mga pasaway na kandidato na walang takot sa pagkabit ng mga campaign paraphernalia sa mga ipinagbabawal na lugar.