Madidisplina na sana ang mga pasaway na mga motorista sa Metro Manila sa pamamagitan ng isinabatas na “Anti-Distracted Driving Act (ADDA).

Sa ilalim ng nasabing batas ay ipinagbabawal ang paggamit ng mobile phone at anumang uri ng electronic gadgets habang nagmamaneho.

Pero nang opisyal nang ipatupad ng mga ahensiya ng gobyerno na nakatoka sa pag-iimplementa ay maraming isinamang ipagbawal kasama na ang pagbabawal na maglagay ng rosaryo sa rear mirror dahil nakakasagabal din daw ito sa konsentrasyon ng pagmamaneho ng isang tsuper.

Nadagdag pa rito ang pagbabawal ng iba’t ibang mga abubot na inilalagay sa dashboard ng sasakyan gayundin ang mga signboard sa mga pampasaherong mga sasakyan.

Ang pagsama sa ilang bagay na hindi naman orihinal na nakasaad sa panukala dahil gadgets sa pangkabuuan lamang ang puntirya ng ADDA ay naharang ang implementasyon ng batas bagay na nakapanghihinayang sapagkat marami talagang aksidente sa kalsada ay bunsod ng paggamit ng communication gadgets ng mga drivers.

Kaya ang sa amin sana ay makita ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aspetong ito dahil nasasayang ang mabuting layunin ng mga ipinapasang batas kung may mga ganitong biglaang pagrebisang ipinatutupad na wala naman sa orihinal na nilalaman ng panukala.

Sa halip na makatulong sa problema ay nagdadagdag lamang kayo ng isyung ireresolba imbes na lutasin ang mga dati nang mga sakit ng ulo ng inyong tanggapan.