Sayang ang nasimulan

Hindi ako nagpapaka-killjoy o KJ sa mga kabataan o sa mga mga menor-de-edad pero maganda na talaga ang idinulot ng pagpapatupad ng curfew sa ilang bayan at siyudad lalo na sa Metro Manila.

Maraming mga bata na ang nawala sa kalsada tuwing dis-oras ng gabi at halos wala na ring naiiulat na gulo sa mga kalsada na kinasasangkutan ng mga menor-de-edad kaya sana ay makagawa ng ibang paraan para mapanatili ang curfew.

Naiintindihan natin ang ilan sa pinupunto ng mga tumututol sa curfew pero kailangan tingnan din dapat nila ang magandang epektong idinudulot ng implementasyon ng curfew lalo na sa mga lugar na kadalasan ay sakit ng ulo ng mga barangay ang mga batang gumagawa talaga ng eksena para makapambulahaw na biglang naglaho.

Sana ay makita ng mga humaharang sa curfew ang magandang idinulot sa mga komunidad ng ipinatupad na curfew dahil talaga namang maraming magulang ang nawalan ng tinik sa dibdib at kaba dahil dati-rati ay nawawala ang kanilang mga anak tuwing ala­nganing oras.

Subalit nang ipatupad ang curfew ay nanahimik ang mga bata sa kanilang mga bahay at hindi malayong naging produktibo sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.

Gayunman, nariyan pa rin ang aking pagrespeto sa desisyon ng Kataas-Taasang Hukuman na pumigil sa implementasyon ng curfew sa mga lungsod ng Maynila, Quezon City at Navotas.

Pero sana ay makahanap ng lehitimong rason o magandang laban ang mga nagsusulong ng curfew upang kilalanin ng Supreme Court (SC) ang legalidad nito.

Kaya ang masasabi ko sa mga menor-de-edad na nagsasaya na dahil sa inilabas na Temporary Res­training Order (TRO) ng SC, hindi pa tapos ang laban. Naniniwala akong darating din ang panahong makikita ng Kataas-Taasang Hukuman gayundin ng mga humaharang sa pagpapatupad ng curfew ang buting idinulot nito hindi lamang sa mga bata, sa pamilya kundi sa buong komunidad.

Sa totoo lang mara­ming komunidad at mga barangay ang natahimik tuwing gabi dahil sa big­lang paglaho ng mga bata sa kalsada noong hindi pa naglalabas ng TRO ang SC sa curfew at ang simpleng kadahilanang ito ay mabigyang punto sana sapagkat hindi lamang ito para sa kapakanan ng komunidad kundi lalo na ng mga magulang na wala sa bahay tuwing gabi dahil naghahanapbuhay.