Sayang ang pera

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Malawakan talaga ang problema sa korapsyon. Hindi lamang ito nangyayari sa gobyerno ng Pilipinas.

Dahil ayon sa ulat ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) umaabot sa $1 trillion ang naibabayad bilang suhol sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno sa buong mundo.

Sa implementation and review ng UNCAC napag-alamang pumapalo sa $1 trillion ang naibabayad bilang suhol sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Alinsunod din sa report umaabot sa $2.6 trillion ang nananakaw kada taon sa katiwalian at katumbas nito ang mahigit limang porsyento ng global Gross Domestic Product (GDP).

Sa developed countries ay nasa $12 billion hanggang $23 billion ang nalulustay sa health care ng bawat gobyerno.

Kaya naman sa 4th State Conference of the United Nations Convention Against Corruption Implementation and Review sa Rizal Hall, Malacañang kamakailan ay binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal­ ng pamahalaang sangkot sa korupsyon.

Kagaya ng mga naunang matitigas na pahayag ng Pangulo ay nagbanta itong hindi siya magdadalawang-­isip na isali sa mga napapatay at napagkamalang drug lord ang opisyal na sangkot sa katiwalian.

Positibo si Pangulong Duterte na sisingaw at sisi­ngaw sinuman ang mga sangkot sa korapsyon sa ­lahat ng tanggapan ng departamento.

“Alam mo hindi mo matago ang corruption eh. It would always leak. Kaya ang department ko, sa ­NEDA noon, it would take you two to three years to get your papers released noon. Ngayon, one month. Kay Billy Dulay, sabi niya three days. Kasi ‘yung ano, the longer they squat on the documents, pera-pera ­talaga ‘yan. So, ang… It needs to be corrected now. Dito ­wala kayong problema. I can assure you, there will be no corruption. Pagka meron, isali kita… I will suspect that you are a drug lord. Dito sa akin, okay ka na,” bahagi ng talumpati ni Pangulong Duterte.

Alam na — na ang korapsyon ay parang isang ­ma­tinding sakit dahil kumbaga ay nakakahawa kaya­ ­halos lahat ng gobyerno sa buong mundo ay may taglay nang ganitong uri ng sakit.

Kung pagbabasehan ang report ng UNCAC, napakalaking pera ang napupunta sa mga tiwali sa gobyerno na kung pumasok lamang sa kaban ng bayan ay nakapagdulot na mga malaking kapakinabangan para sa bansa.

Sa isang banda kung hindi naman nanuhol ang mga nakikipagtransaksyon sa gobyerno ay baka ­naging maalwan ang kalagayan at walang dagdag na pasa­ning ipapapasan sa publiko kagaya halimbawa ng mga nagpoproseso ng mga kontrata na bumababa ang ­kalidad dahil halos maubos na ang pondong gagamitin sa proyekto dahil sa napakaraming sinuhulan o binigyan ng sinasabing SOP sa gobyerno.

Kaya sa ilalim ng gobyernong Duterte, malaking hamon ang resulta ng pag-aaral na ito ng UNCAC ­pero sa matigas na paninindigan ni Pangulong Duterte na ­labanan ang korupsyon ay nakatitiyak akong bilang­ na ang araw ng mga tiwali sa gobyerno at ng mga nakikipagtransaksyon na mahilig maglagay kapalit ng mga hinihinging pabor sa gobyerno. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)