Idinaan sa sayaw ng grupo ng mga kababaihan ang protesta para tutulan ang ipinopormang ‘mega reclamation’ sa Manila Bay.
Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, mahigit 500 kababaihan ang nakiisa sa ‘One Billion Rising’ dance protest sa Tondo, Maynila kahapon upang almahan ang reklamasyon sa Manila Bay.
Maraming pobreng pamilya aniya ang tatamaan ng mga reclamation project sa Manila Bay.
“Walang puso ang reklamasyong ito, na pinapakete at pinatatamis gamit ang pekeng rehabilitasyon ng Manila Bay,” pahayag ni Brosas.
Naniniwala ang lady solon na kinakailangang isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay.
Pero hindi umano dapat masagasaan ang mahihirap na matagal nang napabayaan at napagkaitan ng serbisyo ng gobyerno.
“Imagine, the area to be reclaimed in as huge as the entire Quezon City and Manila combined…and this is not to house poor families but to house mega casinos and commercial establishments catering to the rich,” paliwanag ni Brosas.