ZAMBOANGA CITY – Napatay ng operatiba ng pamahalaan ang notoryus na sub-leader ng Abu Sayyaf na si Alhabsi Misaya sa ikinasang opensiba ng Philippine Marines sa bayan ng Parang sa lalawigan ng Sulu.
Ayon sa ulat ng militar, nasakote ng operatiba ng Special Operations Group si Misaya kahapon ng gabi sa Barangay Silangkan.
Dinala ang bangkay ng Sayyaf leader sa kampo ng militar sa bayan ng Jolo, pero wala pang ibinibigay na pahayag ang Western Mindanao Command ukol sa pagkakapatay sa naturang sub-lider ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Sa impormasyong nakuha ng Abante, isa umanong “entrapment to neutralize Misaya” ang inilunsad na operasyon ng operatiba ng pamahalaan. Sabit si Misaya sa pamumugot ng ulo ng mga dayuhan at Pinoy na bihag ng ASG sa Sulu at sangkot din ito sa kidnap-for-ransom at pag-atake sa Sabah, Malaysia at mga cargo ship sa Tawi-Tawi.
Kinukumpirma rin ang ulat na mismong kasamahan ni Misaya ang pumatay dito at ibinigay lamang ang bangkay sa tropa ng militar.
Kasama si Misaya sa mga ASG leaders na may patong na reward sa ulo.