Patay ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) habang dalawang sundalo ang nasugatan nang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng mga bandido at militar sa Sulu kamakalawa nang umaga.
Ayon kay Col. Gerry Besana, Western Mindanao Command (Westmincom) information officer, sumiklab ang sagupaan sa Sitio Bud Taming, Barangay Panglayahan, Patikul, Sulu bandang alas-10:37, Huwebes nang umaga.
Namataan umano ng sundalo mula sa 32nd Infantry Battalion ang may 100 bandido sa ilalim ni ASG leader, Radullan Sahiron, isang kilalang one-armed bandit leader na isa sa pinakamatandang pinuno ng mga ASG sa Sulu.
Tumagal ng 40-minuto ang bakbakan na ikinasawi ng isang miyembro ng mga bandido habang dalawang sundalo naman ang nasugatan.(Vick Aquino)