Nasamsam ng militar ang 8 automatic rifles na umano’y pag-aari ng Abu Sayyaf sa bayan ng Kalingalan Caluang sa lalawigan ng Sulu sa Mindanao kung saan patuloy ang paghahanap ng mga sundalo sa rebeldeng grupo.

Ayon sa ulat ng militar, nakuha ng mga sundalo ang apat na M14 at apat na M16 – sa Barangay Pitogo matapos na makakuha ng impormasyon na itinatago ang baril sa Sitio Kadkad.

Ngunit nakatakas naman ang isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf na siyang pinaghahanap sa kasalukuyan.

Ang naturang bayan ay kilalang kuta ng Abu Sayyaf at marami sa mga residente doon ay kaanak ng mga rebelde.

Hawak pa rin ng Abu Sayyaf ang mahigit sa isang dosenang bihag na karamihan ay pawang mga seaman na dinukot sa karagatan ng Tawi-Tawi, Basilan at Sabah sa Malaysia at itinatago sa masukal na gubat ng Sulu.