Sa kabila ng pagsuko ng diumano’y mga Abu Sayyaf sa bayan ng Sumisip sa Basilan province ay muling inatake ng grupo ang mga sundalo sa lugar.
Wala namang inulat na casualties sa nasabing sagupaan na dalawang beses nangyari kamakalawa sa nasabing bayan.
Isa sa umaga sa Barangay Benegbengan at isa rin sa gabi sa Barangay Cabcaban na kung saan ay pinaulanan ng bala ng Abu Sayyaf ang militar doon.
Nakatakas naman ang mga armado dahil sa pagdating ng mga reinforcement doon subalit mahigpit pa rin ang seguridad kahapon sa Sumisip na kung saan ay ilang beses ng nagkaroon ng surrender ceremony ang militar dahil sa mga pagsuko ng mga diumano’y notoryosong militante.
Pinalaya rin ng Western Mindanao Command ang lahat ng mga sumuko dahil sa umano’y kawalan ng warrant of arrest sa kabila ng mga kriminalidad na kinasasangkutan ng mga ito. Binigyan pa ng salapi ng militar ang mga sumuko kapalit ng mga lumang armas.