SBMA: 3 puno lang ang pinutol sa Subic

Nilinaw ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na walang sinirang kagubatan sa West Ilanin Protected Area para bigyang-daan ang konstruksyon ng isang shooting range para sa 30th Southeast Asian Games.

“That is a very irresponsible assertion that makes a mockery of truth as we know it,” pahayag ni SBMA Ecology Center manager Amethya dela Llana, na nauna nang binigyang-linaw sa media ang kontrobersiyal na proyekto.

Paliwanag niya, tatlong puno lang ang inirekomenda nilang putulin sa 25 na apek­tadong puno na ang iba ay ‘for trimming’.

Pinayagan umano niya at ng kanyang opisina ang pagpuputol ng tatlong puno ng gubas (Endospermum peltatum) species na nakitang nakahilig na sa kalsada.

“Also we have pointed out the fact that while the construction project is within the West Ilanin Forest, which is a protected area, the location is already built-up, which means it has been pre­viously deve­loped and therefore no longer classified as a forest,” paliwanag pa niya.

Sa inilabas na statement noong Huwebes ni Dela Llana, sinabi niyang ang konstruksyon ng isang shotgun shoo­ting range ay nasa dating Explosive Ordnance Disposal area sa ex-Naval Magazine sa Subic Bay Freeport.

Nagamit na umano ito ng US Navy kasama ang kalapit na ammunition pier sa Camayan Point, na siya ngayong Ocean Adventure Marine Park.

Nasa ilalim na ang proyekto ng isang private contractor na CFV ARAR Contractors, Phils., Inc., na siyang winning bidder para rito na kinomisyon ng Phi­lippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc).

Pinag-utos ang proyekto para sa SEA Games Clark Cluster pero noong Set­yembre 18, 2019, inendorso ito sa Subic Cluster para sa implementasyon.

Sinabi rin ni Dela Llana na nag-isyu ang SBMA Ecology Center ng Notice of Violation sa project contractor noong Nobyembre 22 matapos ang isinagawan­g on-site inspection noong Nobyembre 21 kung saan lumabas na nagsasagawa ng malawakang clearing at grubbing ope­rations sa lugar sa kabila na wala itong kaukulang environmental permit. (Randy Datu/Jojo Perez)