Kinondena ang palpak na seguridad sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) kaugnay ng ginawang pananambang sa isang prominanteng negosyante sa harap ng isang hotel/resort sa Subic Bay Freeport, Olongapo City kamakalawa nang gabi.
Maging ang mga senador ay naalarma sa sinasabing ‘culture of impunity’ sa bansa kasunod ng pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin, chief executive officer of United Auctioneers Inc.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, labis ang kanilang pagdadalamhati nang marinig ang balita dahil ang napatay na si Sytin ay malapit na kaibigan ng ilan sa mga senador.
Maging si Senador Grace Poe ay naiiyak umano nang mag-usap sila sa telepono habang tinalakay sa Viber group ng Senate majority bloc ang mga hakbangin para mapatigil ang ‘culture of impunity.”
“Basta patayan na lang. Kung may galit ka sa isang tao, patayin mo na lang. Parang ganun ang nangyayari,” saad ni Zubiri.
“We condemn the drastic killing of our good friend and philanthropist Dominic Sytin. We condemn all killings of the same kind. It is time this terrible culture of cold-blooded murders end. Our hearts go out to his loved ones, and we all call on the investigating body to use the full force of the law in catching the perpetrators,” dagdag nito sa ginanap na Kapihan sa Senado.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na wala silang alam na kaaway ni Sytin dahil kilala itong disenteng tao.
Kinondena din ang maluwag na security sa loob ng SBMA na hindi naipatuloy kagaya nang ginawang pagbabantay noon sa APEC at ASEAN meeting.
Inilarawan naman ni Senador Ralph Recto si Sytin bilang silent worker for Philippine progress dahil sa kanyang mga ambag sa ekonomiya.
Sa pinakahuling report, 2 tama ng bala ang tumapos sa buhay ni Sytin habang ang bodyguard nitong si Efren Esparatero ay apat na bases na binaril sa katawan at braso at ngayon ay nasa stable ng kondisyon.
Ayon sa paunang report, anim na empty shell ang nakita sa pinangyarihang lugar buhat sa cal. 45 na baril.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 nang gabi sa harapan ng The Lighthouse Marina Resort sa Waterfront Road, Subic Bay Freeport Zone.
Hindi nagawang sumaklolo ang mga security guard ng resort na ayon sa report ay nagtakbuhan pa sa loob ng resort nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng bari.
Matapos ang pamamaril ay naglakad lang umano ang suspek patungo sa motorsiklong naghihintay sa kanya hindi kalayuan sa lugar na minamaneho ng isa pang suspek.
Ayon naman kay Sr. Supt. Joel Coronel, Police Regional Director (PRO) 3, planado at mga propesyunal na hired killer ang mga salarin.