Ipinawalang-bisa ng Supreme Court (SC) ang pagtanggap ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa current o replacement cost ng valuation ng Manila Electric Company (Meralco) regulatory asset base.

Sa desisyon na may lagda ni Senior Justice Antonio Carpio, bahagyang ipinagkaloob ng korte ang petisyon ng NASECORE na muling irebyu at ibalik ang kaso sa ERC upang madetermina ang valuation ng regulatory asset base ng Meralco maging ang mga parameter kung ang mga gastusin na hindi direkta at hindi naaayon sa operasyon ng distribution utility ay maaaring maipasa nang buo o di kaya’y parte sa consumers, nang sa gayon ay maibigay ang kuryente sa mga mamimili sa pinakamura nitong halaga.

Pinagtibay ng korte na may paglabag ang kautusan ng ERC sa statutory mandate nito na approve rates ng elektrisidad sa pinakamura nitong halaga.

Dahil dito, inatasan ng SC ang ERC na rebyuhin at deteminahin ang reasonable at fair valuation ng regulatory asset base na siyang makapagbibigay ng murang kuryente sa mga konsyumer.

Iginiit din ng korte na ang Meralco at iba pang electricity distribution utilities ay monopoly na siyang kinokontrol ng estado, partikular na ang rates na sinisingil nila sa konsyumer gayundin ang pagkontrol sa power acquisition costs ng distribution utilities. (Anne Lorraine Gamo)