Bumuo ang Supreme Court (SC) ng panel na tututok sa imbestigasyon ng tumataas na kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao sa bansa.
Gayundin para tugunan ang nangyayaring ‘criminal impunity’ at para maging gabay ng hudikatura sa paggawa ng mga bagong polisiya.
Ang paglikha ng Technical Working Group (TWG) para sa Criminal Impunity at Human Rights abuses ay bahagi ng isinusulong na reporma sa hudikatura alinsunod sa annual report ng hudikatura.
Layunin din ng TWG na i-monitor ang mga kaso ng pang-aabuso sa karapatang pantao at ang pagbuo ng polisiya para mapangalagaan ang mga karapatang pantao.
Una nang pinuna ni Chief Justice Lourdes Sereno ang kampanya laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinayuhan din niya ang apat na incumbent judges na pinangalanan ni Pangulong Duterte na huwag sumuko sa mga pulis kung walang kaukulang warrant of arrest.
Sa halip bumuo si Sereno ng fact-finding panel na pinamumunuan ni retired Supreme Court Justice Roberto Abad para mag-imbestiga sa apat na hukom.
Kabilang sina Judges Exequiel Dagala ng Municipal Trial Court Dapa-Socorro sa Surigao, Adriano Savillo ng Regional Trial Court Branch 30 sa Iloilo City, Domingo Casiple ng RTC Branch 7 sa Kalibo, Aklan, at Antonio Reyes ng RTC Branch 61 sa Baguio City na inatasan na sagutin ang alegasyon ng Malacañang.