Tila sinuway umano ng Meralco ang inilabas na panuntunan ng Supreme Court (SC) hinggil sa pagsasagawa ng Competitive Selection Process (CSP) dahil sa hindi makatotohanang isinagawang ‘bidding’.
Ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares at Rep. Carlos Zarate, nitong nakaraang linggo, tila nagsasagawa ng ‘mind conditioning’ ang Meralco para sa kanilang mga consumer at pinapalabas nilang matagumpay ang isinagawang CSP kung saan sinasabi nila na makakatipid daw umano ang publiko ng P13 bilyon para sa susunod na 10 taon at pinapalabas na ang kanilang Third Party Bid and Award Committee (TBAC) ay gumawa ng isang mahusay na trabaho.
Napag-alaman na ang TBAC na siyang nangasiwa sa isinagawang CSP ay binubuo ng karamihan ng mga opisyal ng Meralco at mga pili nilang tao.
Maliban dito, paano aniya makakasali ang ilang kompanya sa bidding process kung pitong araw lamang ang ibinigay sa kanilang palugit at kailangan pang magbayad ng P6 milyon para makita lamang ang mga kumpletong bid document habang 40 araw lamang ang ibinigay para mag-prepare para sa bidding.
Lumalabas umano na kung talagang sinunod nila ang kautusan ng SC para sa isang transparent at competitive bidding, kinakailangan na 120 hanggang 150 na araw ang dapat na ibigay na preparasyon sa mga bidder.