Scottie tanggal sa Final 12 kontra Kazakhstan

Bakante muna si Ginebra star Scottie Thompson sa huling laban ng Team Pilipinas kontra Kazakhs­tan sa sixth and final window ng 2019 FIBA Asia World Cup qualifiers.

Papalitan si Thompson ng sharpshooter ng TNT KaTropa na si RR Pogoy, na kakatapos lang ng suspensyon kaugnay ng Gilas-Boomers basketbrawl.

Makakasama ni Pogoy si Andray Blatche, na naging impresibo ang numero sa pagdemolis sa Qatar.
Samantala para sa locals naman ay raratsadang muli sina Japeth Aguilar, Jayson Castro, Gabe Norwood at Marcio Lassiter.

Kasali rin sina Mark Barroca, Poy Erram, Paul Lee, June Mar Fajardo, Troy Rosario at muling nakalusot sa Final 12 ang amateur player na si Thirdy Ravena.

Kakailanganin ng Team Pilipinas na manalo kontra Kazakhstan alas-10:30 ng Linggo (oras sa Pilipinas), na malaki ang tsansang makapasok bilang ‘best fourth placer’ sakaling matalo ang isa sa Lebanon o Jordan.