Sumiklab na kahapon ang bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng gobyerno at Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul, Sulu matapos maglunsad ng ground assault operation ang militar.

Batay sa ulat ni Phi­lippine Army 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu commander Brig. Gen. Divino Rey Pabayo, dakong alas-11:30 ng umaga nang maglunsad ng ground assault operation ang 5th Scout Ranger Battalion sa pinagkukutaan ni ASG commander Hatib Hajan Sawadjaan.

Nabatid na si Sawadjaan ang umano’y mastermind sa magkasunod na pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na kumitil ng 22 katao at higit 100 iba pa ang nasugatan noong Enero 27.

Base sa ulat ng military kahapon, limang sundalo at tatlong miyembro ng ASG ang nasawi sa bakbakan at may isang hinihinalang dayuhang terorista ang kasamang napatay sa mahigit dalawang oras na engkwentro.

Limang sundalo rin ang nasugatan habang sampung miyembro ng ASG kabilang ang isang sub-commander ng ASG na si Indang Suksukan ang sugatan sa panig ng mga bandido.

Ayon naman kay Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command, nasa 100 miyembro ng ASG ang nakasagupa ng mga tropa ng gobyerno.

Nabatid na dikitan ang labanan o mala­pitan kung kaya’t hindi makapagsagawa ng air strike ang militar para suportahan ang mga tropa na nagsasagawa ng ground assault operation.