Umarangkada ang San Beda sa pool matapos walisin ang men’s, women’s at juniors divisions ng 92nd NCAA swimming competition sa Rizal Pool Center sa Manila.

Pinahaba ng Sea Lions ang pamamayagpag sa 15 sunod na seasons matapos sisirin ang 1,467 points habang sinikwat ng Sea Lionesses ang fifth straight women’s crown sa naitalang 1300 points.

Para sa Sea Cubs, kinampay nila ang high school championship sa hinamig na 1037.5 points at agawin ang korona sa Junior Blazers na hinawakan ng 11 straight seasons.

Nakopo ni Joshua Junsay ang 100-meter at 200m butterfly bago tinu­lungan sina Jenkins Lorenzo Labao, Joseph Badura at Jason Villaruz sa team competition at nasilo ng Sea Lions ang 4x50m freestyle relay gold medal.

Nasungkit ni Junsay ang men’s MVP.

“We’re proud of what the team achieved,” ani NCAA Management Committee chair Jose Mari Lacson ng San Beda.

Nahirang si Miguel Karlo Balisan ng La Salle-Greenhills bilang juniors MVP habang napunta kay Maria Aresa Lipat ng St. Benilde ang women’s MVP.