Umaasa ang PH shooting team na makapagtala ng mahusay na kampanya sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games 2019 na iho-host ng bansa simula Nobyembre 30 tapos nang mahusay na pagtudla sa katatapos na 14th Asian Shooting Championships sa Doha, Qatar.

Ikinatuwa ng Philippine National Shooting Association (PNSA) ang naging resulta sa Doha shootfest, lalo na sa men’s shotgun trap team competition.

Tampok sa koponan si Carlos Carag, na nagtala ng best score 114 para sa Pinoy men’s trap squad, kasama sina Hagen Topacio na may 113 at Eric Ang na may 110, para sa pinagsamang 337 para pumampito sa 14 na kalahok.

Ang iskor ng koponan ang pinakamataas na marka sa Southeast Asia ngayong taon.

Nakatapak pa sina Carag at Topacio sa minimum qualifying standard para makapasa sa mga kandidato sa Universality place sa susunod na taong Tokyo Olympics.

Kinapos lang ng isang puntos si Jethro Dionisio, na hangad ding makamit ang minimum quota score nang maka-111.

Una nang nagkamit sina Ang at Topacio ng MQS sa Southeast Asian Shooting Association o SEASA championships simula pa lang ng taon sa Jakarta, Indonesia.

Sinabi ni trap coach Fernando Mercado na ang men’s trap team score ay kapantay na sa gold medal standard sa individual at team competition sa SEAG.

Ang walong iba pang Pilipinong shooters na sumabak sa Asian Championships ay ang rifle team nina Olympic solidarity scholars Jayson Valdez at Amparo Acuña, kasama sina Denise Basila at Sean Jayfred Ocampo; at iba pa.(Lito Oredo)