SEAG Core Group, bubuuin ni Butch

SEAG Core Group, bubuuin ni Butch

Agad na pinabubuo ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman at bagong talagang Team Pilipinas chef de mission William “Butch” Ramirez ang magsisilbing “core group” na sisiguro sa maayos na pagsasanay ng mga atleta at tututok sa paghahanda ng bansa sa iho-host na 30th Southeast Asian Games 2019.

Pinaliwanag ni Ramirez na agad magtatakda ng direksiyon sa paghahanda ng bansa sa ikaapat na pagbalikat sa multi-sport meet na nakatakda sa Nov. 30-Dec. 11.

Makakatuwang ni Ramirez ang apat niyang commissioner upang maabot ang misyon na ‘di lang masungkit ang ikalawang pangkalahatang titulo kundi maipakita ang husay ng Pilipino sa pagtayong punong abala.

“He is the most qualified man for the job. He has proven that up and we look forward to his vision and mission,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Victorico Vargas.

“We have to be united,” tugon naman ni Ramirez. “I had received a lot of text, I won’t mention names na lang asking me to unite and help the sports and country. Sino po ako para tanggihan ang iniaatas para sa bayan.”

Pinaalam ni Ramirez na agad siyang papatawag ng pulong sa lahat ng kasaling mga national sports association upang malaman ang sitwasyon. Gayundin ng coordination at assessment meetings sa mga competition manager ukol sa tsansa at pinakamagandang maibibigay ng bansa sa SEA Games.

Kahit iniatang ang mandato para sa paggastos sa laang P6.5B pondo, hinirit ni Ramirez na mayroon pang dagdag na P600 milyon para sa mga manlalaro na magagamit sa pagsasanay at paglahok sa iba’t ibang torneo bilang eksposyur. (Lito Oredo)