Magtutungo sa bansa sa susunod na buwan ang mga pinuno ng iba’t ibang national sports association na kalahok sa isasagawa sa unang pagkakataon na electronic sports o eSports upang i-finalize ang mga detalye para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games 2019.

Ipinaalam ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ang nakatakdang pagpupulong sa Marso sa Marriot Hotel ng mga pangulo ng 11 kalahok na bansa upang tala­kayin ang limang gold medal na paglalabanan sa biennial sportsfest na susulong sa Nob. 30-Dis. 11.

Sinabi kahapon ni PHISGOC Executive Director Ramon ‘Tatz’ Suzara na paparito ang mga kinatawan ng Brunei, Cambodia, Timor Leste, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.

Pag-uusapan ang mga mekanismo sa mga laro, gayundin ang ikaanim na event na paglalabanan. Kabilang sa limang unang mga naaprubahan ang Dota 2, Starcraft 2, Tekken 7, Mobile Le­gends: Bang Bang, at ang Arena of Valor.