SEAG gold medalist ininsulto sa botika

SEAG gold medalist ininsulto sa botika

Hindi napigilang maglabas ng kanyang sentimyento ang isang gold meda­list sa katatapos lang na 30th SEA Games hinggil sa umano’y palpak na serbisyo ng isang botika.

Nag-ugat ang himutok ni Sandi Menchi Abahan, 2019 SEA Games Obstacle Course Racing gold medalist, nang bumili siya ng gamot sa isang botika sa mall sa Session Road, Baguio City at sinubukang gamitin ang inaasahan nitong diskuwento at benepisyo bilang atleta.

Batay sa RA 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, kinikilala ang mga national athlete at coach sa 20% diskuwento sa iba’t ibang serbisyo kabilang na sa mga bibilhing gamot.

Ngunit nang ipakita umano niya ang kanyang athlete’s ID para mabigyan sana ng discount sa drug store ay tila panunuya lang ang naging tugon sa kanya ng pharmacist.

“I presented my athlete’s ID to avail of my supposed discount. The pharmacist judgingly smirked and said ‘athlete’s discount?” paghihimutok ng tinaguriang Asian Circuit Queen sa kanyang Facebook post.

Tinawag naman umano at tinanong ng pharmacist ang kanyang manager pero ayon sa atleta, dinedma at pinagtawanan pa siya.

“She called to ask her manager, pero hindi pa rin nila binigay. And the pharmacist seemingly found that funny,” dagdag pa nito.

Binulgar pa ng tubong Baguio na ultra runner, na hindi lamang ito ang unang beses na nakaranas siya at kasamahang atleta ng pagbabalewala sa kanilang karapatan.

Nadismaya si Abahan dahil sa kabila ng kontribusyon at kara­ngalang ambag nila sa bansa sa pamamagitan ng pagpapamalas nila ng kanilang talent at skills ay nababalewala din lang sila.

“This was not the first time. I’m tired of people not acknowledging­ this law. I’m tired of people that think ‘athletes lang kami’”, panapos nito. (Aivan Episcope)