Hindi sigurado ang Team Pilipinas na masusungkit ang pangkalahatang kampeonato kahit pa makasaysayan ang magsabak ng pinakamalaking bilang ng delegasyon sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.
Umabot sa kabuuang 1,895 atleta, coaches at officials ang bubuo sa pambansang delegasyon na kakasa sa 57 sports na may 529 na events sa 11-nation, multi-sport meet na torneo sa iba’t ibang lugar sa loob at labas ng Metro Manila.
“These would be the biggest ever delegation that we have formed for the SEA Games in history. But this time kasi, we are the host kaya puwede iyan sa atin,” sabi ni Philippine Olympic Committee (POC) President Ricky Vargas sa PSA Forum Martes ng tanghali sa Amelie Hotel-Manila sa J. Bocobo, Malate.
“That is the objective. But it all depends on the national sports associations and the athletes themselves na manalo ng mas maraming gold.”
Ikalawang pinakamaraming kasali ang Indonesia sa 1,718 ipapadala habang ikatlo ang Singapore na may 1,589 na bilang. Ikaapat ang ilang beses nang kampeonng Thailand na may 1,462.
Ito na ang pinakamalaking delegasyon ng bansa sa SEA Games sapul nang sumali noong 1977. (Lito Oredo)