Hindi talaga maiwasan sa isang politiko na makaladkad sa iba’t ibang isyu lalo na ng katiwalian na siyang hate na hate ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero tunay naman na kahit saan ka nakapuwesto sa gobyerno, lalo na ang mga local government official ay tungkulin mong magpaliwanag sa mga gastusin ng iyong pinamumunuang lokalidad.
Ito ay dahil karapatan ng mga mamamayang malaman ito, dahil tayo ang nagluklok sa kanila, tayo ang “boss” nila.
Kaya sa tingin ko napapanahon para magbigay-linaw si Malabon Mayor Len Oreta sa kanyang mga nasasakupan hinggil sa mga naging gastusin sa ilalim ng kanyang pamamahala lalo na’t may isyu ito sa Commission on Audit.
Taong 2012, anim na taon bago ang taong kasalukuyan, ayon sa ating source ang Malabon pala ay mayroong tagilid na financial statement o audit report base sa ulat ng COA.
Ang nakapagtataka ay taliwas ito sa nakuhang seal of good housekeeping ng lungsod kung saan daw ito nakapasa sa “all in” na performance indicators na itinalaga ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kagaya ng financial administration, paghahanda sa mga sakuna o bagyo, batayang proteksyon, kapayapaan at kaayusan, business friendliness at competitiveness, environmental management, turismo, kultura at arts.
Ang kuwestiyon papaanong nakapasa sa “seal of good local governance” ng nakaupong punong-lungsod na si Oreta ang lungsod?
Alinsunod sa Financial Operations summary ng Audit report ng Malabon, ang lungsod ng Malabon para sa General Fund and Special Education Fund (SEF) para sa taong 2012 ay P1.181 bilyon at ang nakolekta na income ay nasa P916.84 milyon lamang.
Napag-alaman din natin na ilan sa dahilan ay ang cash advances na umabot sa P41.818 milyon na hindi na-liquidate nang maayos kaya ang accounts ng asset, gastos, at equity ay hindi na tinanggap dahil mahigpit na ipinapatupad ng accountable officers ng lungsod na kaagad ayusin at isumite ang cash advances na may liquidation statements o refund.
Pangalawa, ang kanilang karagdagang allowances na P22.541 milyon na ibinayad sa mga pampublikong guro na nagtuturo sa elementarya at sekondarya ay ibinawas o hinugot sa SEF sa halip na sa General Fund. Ang aking pagkakaalam, hindi dapat binabawasan ang SEF dahil ito ay nakalaan para sa operasyon at pagmintina ng mga pampublikong paaralan sa Malabon.
Ang paggamit ng P10 milyon na Education Fund under Section 10 ng Republic Act No. 9019 ay hindi alinsunod sa tamang paggamit ng pondo dahil ito ay nagamit sa pagbili ng personal at school supplies.
Hindi ba’t ang pagbili ng mga gamit sa mga paaralan ay dapat isinasama sa paghahanda ng budget sa bawat lungsod kalakip ng rekomendasyon ng iba’t ibang programa, aktibidad, at proyekto na manggagaling sa mga local school board upang masigurado ang pagsasaayos ng mga classroom, pagbibigay ng libro, at pagbili ng mga kagamitan? Kung ganoon, ano ang nangyari?
Ang mga hindi naisumite na disbursements, koleksyon, at iba pang transaksyon na nagkakahalaga ng P561.998 milyon at P464.886 milyon na hindi na natukoy dahil sa mga hindi naisumite na accounts mula Hulyo hanggang Disyembre taong 2012. Saan nga ba ito napunta?
Ang existence, validity, at accuracy ng Real Property Tax o Special Education Tax na nagkakahalaga ng P176.638 milyon ay hindi na rin malaman dahil ito ay base lamang sa mga “estimates”.
Ang accuracy at validity ng Property, Plant and Equipment (PPE) na account ay hindi rin matukoy dahil sa pagkakaiba ng libro at Report on the Physical Count of Property, Plant and Equipment (RPCPPE) na balanse na nasa P51.238 milyon. Bakit nga ba tila hindi magtugma ang mga ito?
Dahil sa isyung ito sa Malabon City sa tingin ko sa halip na maglatag ng plata porma de gobyerno si Mayor Oreta ay pagpapaliwanag sa kuwestiyonableng usaping pampinansyal sa pinamumunuan niyang lungsod ang dapat niyang atupagin kesa malagay sa alangain.