Nagkaroon ng 2nd degree burn sa kanyang katawan partikular na sa hita at braso ang isang 26-anyos na seaman matapos masabugan ng boiler kamakalawa ng madaling-araw habang nakadaong ang kanilang cruise ship sa Manila Bay sakop ng Maynila.
Isinugod naman ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), ang biktima na si Francis Lie Bonzato, 26, engine cadet ng M/V Quantum of the Seas na nakadaong sa Manila Bay.
Nalaman na humingi ng tulong ang mga crew ng barko sa PCG makaraang masabugan si Bonzato ng kumukulong laman ng boiler ng barko habang nilalagyan niya ito ng kemikal.
Nabatid na alas-4:43 ng madaling-araw nang rumesponde at marating ng BRP Tubattaha (MRRV 4401) ang cruise ship para madala si Bonzato sa Manila Doctor’s Hospital.
Nasa maayos naman nang kondisyon ang biktima sa pagamutan. (Juliet de Loza-Cudia)