Pinag-aaralan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na maghain ng reklamo laban sa lumabag sa kanyang karapatan sa pribadong komunikasyon na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.
Sinabi ni Aguirre na ilan sa kanyang kinukonsidera ay ang paghahain ng kriminal, sibil at administratibong kaso laban sa mga taong lumabag sa kanyang karapatan.
Tinutukoy ni Aguirre ay ang nabunyag sa privilege speech ni Senadora Risa Hontiveros na laman ng text message sa kanyang cellphone noong siya ay dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Setyembre 5.
Gayundin, binuweltahan din ni Aguirre ang kagawad ng media na kumuha ng litrato ng kanyang cellphone.
“Shame on you” mensaheng ipinabatid ni Aguirre sa nasabing miyembro ng media.
Ayon kay Aguirre nang dahil lamang umano sa isang balita, ikinalakal niya ang kanyang sarili.
Ang media ay dapat na maging daluyan ng katotohanan at hindi dapat lumalabag sa karapatan ng ibang tao.