Kahit sa anong anggulo silipin ay may malaking pananagutan si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pag-asim ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Kuwait.
Ang tinatawag na command responsibility ang maaaring basehan ni Cayetano upang magbitiw sa puwesto upang maagapan pa ang panunumbalik sa relasyon ng Pilipinas at Kuwait.
Naglabas pa ng pahayag noon si Cayetano na handa niya raw panindigan at tayuan si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa kaugnay ng kapalpakan ng rescue operation sa mga OFW sa Kuwait.
Pero sa kabila nito ay idineklarang persona non grata si Ambassador Villa ng Kuwait at pinalalayas na ito sa nasabing bansa.
Hindi naitago ng gobyernong Kuwait ang pagkadismaya sa Pilipinas dahil inilabas pa kasi sa social media ang video ng rescue na isang maituturing na insulto sa Kuwait.
Ipinamumukha kasi ng Pilipinas na inutil ang gobyernong Kuwait kung kaya’t mismong ang mga embassy official na ang kumilos upang iligtas ang mga OFW sa kamay ng kanilang mapagmaltratong amo.
Kung magbibitiw si Cayetano bilang DFA secretary ay magpapahupa ito sa tensiyon at maaaring isipin ng Kuwait na seryoso ang Pilipinas sa paghingi ng paumanhin.
Noong matuklasan ang bangkay ng OFW na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer ay mabilis na kumilos ang gobyerno ng Kuwait na agad na nakikipag-ugnayan para maaresto ang mag-asawang suspek at pinapanagot na sa batas.
Agad ding nakipagkasundo ang Kuwait at inaprubahan ang panukalang paglalatag ng panuntunan upang mabigyan ng sapat na proteksiyon ang mga OFW sa nasabing bansa.
Kung isasakripisyo ng Malacañang si Cayetano ay maaaring hindi na madiskaril ang diplomatikong relasyon at higit sa lahat ay mapirmahan na ang kasunduan sa pagbibigay ng proteksiyon sa napakaraming mga OFW sa Kuwait.