Nagbabala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Mybitclaim Trading Corp. na nang-aakit sa publiko na mag-invest sa kanilang kompanya kahit pa walang kaukulang lisensiya para rito.
Ayon sa SEC, August 9, 2019 lamang nagparehistro ang Mybitclaim sa komisyo, pero para umano ito sa trading ng mga baboy, manok at iba pang livestock.
Gayunman, pinangakuan umano ng Mybitclaim ang mga magi-invest ng P1,000 na kikita sila ng P4,000 sa loob ng isang buwan. Sa halagang ito, ang kabuuang makukuha ng nag-invest ay P3,600 dahil babawasan pa umano ito ng 10% para sa safety net deduction.
Sabi ng SEC, sa online o internet hinihikayat ng Mybitclaim ang mga tao para sa Buy & Earn X4 Program With Products nito na nangangako ng payout sa loob lamang ng 30 araw.
Giit ng ahensya, walang lisensiya ang Mybitclaim na mag-alok, magbenta at mag-solicit ng anumang klaseng investment sa publiko.
Dagdag pa ng SEC, ang sinumang nagaahente o nagbebenta ng investment para sa Mybitclaim ay haharap ng kasong criminal na ang kaparusahan ay multang P5 milyon o pagkakakulong na 21 taon o pareho.
Pinayuhan ng SEC ang publiko na huwag nang maglagay ng pera sa Mybitclaim at nanawagan ito sa sinumang may impormasyon tungkol dito o sa mga representante nito na sumangguni sa Enforcement and Investor Protection Department ng SEC sa telepono 02-8818-6047. (Eileen Mencias)